Ang Iliada (Ingles: Iliad[1], Kastila: Iliada) ay isang tulang
epikang tungkol sa salaysay ng pagsakop ng mga Griyego sa lungsod ng Troy.
Mula ito sa Gresya, na isinulat ni Homer, at tumatalakay sa mga
pakikipagsapalaran ng mga bayaning Griyego noong kanilang kapanahunan. Ito
ang pinakamaaga at pinakatanyag na akda mula sa panitikan ng Gresya.
Hinango ang pamagat ng Iliada mula sa Ilium (o Ilion), ang isa pang
katawagan para sa Troy. Itinuturing ang akdang ito bilang "Bibliya" ng mga
Griyego, sapagkat nakaimpluwensiya ng malaki sa kanilang mga kaisipan.
Sinundan ito ng Odisea, na si Homer din ang sumulat.[1]
Mga nilalaman
[ipakita]
May-akda[baguhin " baguhin ang batayan]
Pangunahing lathalain: Homer
Tinatayang namuhay si Homer, isang Griyego, noong mga ika-8 daantaon.
Pinaniniwalaang sinulat ni Homer ang Iliada noong mga 700 BK hanggang 650
BK. Sa pamamagitan ng pagiging madula, marangal, at makatotohanang
paglalahad na patula, inilahad niya ang mga salaysayin ng mga kaganapang
naganap noong mga 400 taon na ang nakalipas mula sa kaniyang panahon.
Binalikan niya ang mas nauna pang mga nakaraan sa pamamagitan ng Iliada.
Bagaman isang Griyego, naging patas si Homer sa paglalarawan ng mga Trohano
(mga taga-Troy). Pinaniniwalaang marahil hindi naman isinatitik ni Homer sa
kalatagan ng mga papel ang Iliada, bagkus sinasambit lamang niya ang mga
taludtod ng kaniyang mahabang tulang ito habang nagsasalaysay sa kaniyang
mga tagapakinig. Sinasabi pa ring may kamangha-manghang pagkakaunawa si
Homer sa ugnayan ng mga tao. Nalalaman din niya ang pagiging kahindik-
hindik at katindihan ng digmaan, bagaman isang pansariling bagay o paksa na
nakapaglalantad ng katapangan at pagpapakasakit ng sarili. Binigyang buhay
ni Homer ang Iliada sa pamamagitan ng mga mabilis na takbo ng mga
pangyayari at pagkakaroon ng maraming mga talumpati.[1]
Kahalagang pamapanitikan[baguhin " baguhin ang batayan]
Sapagkat itinuturing ngang isang "Bibliya" ng mga Griyego ang Iliada, may
dalang sariling sipi nito Dakilang Alejandro habang sinasakop niya
ang Asya. Naimpluwensiyahan ng Iliada ang panitikang pandaigdig, hindi
lamang sa larangan ng panulaang epika. Sa mga Griyego, unang nakakitaan ng
impluho ng Iliada ang mga manunulat ng mga trahedya, o mga dulang may
malungkot subalit may makabuluhang wakas.[1]
Balangkas at paglalarawan[baguhin " baguhin ang batayan]
Isang estatuwang kaugnay ng Iliada. Matatagpuan ito sa Istoa (Stoa[2]) ng
Attalus (o Attalos), isang pasilyong may bubong o kolonada sa sinaunang
Gresya, na mayroong pader sa isang panig at hanay ng mga poste sa kabila.
Naririto ang banghay ng Iliada: Nakatanim ang tulang ito ni Homer
sa Digmaang Trohano sa pagitan ng mga Griyego at ng mga Trohano. Nagumpisa
ang Digmaang Trohano nang tangayin ni Prinsipe Paris ng Troya ang reyna
ng Sparta, si Helen. Hindi nilahad ni Homer ang lahat ng mga pangyayari sa
digmaang ito, pinili lamang niya ang mga ilang mga linggo sa ikasampu at
huling taon nito, na ginamitan ni Homer ng pamamaraang pagbabalik-sulyap
kaya't maraming makikitang mga naunang mga kaganapan sa tulang pasalaysay
na ito. Nagbibigay rin si Homer ng mga pahiwatig sa kung ang susunod na
mangyayari.[1] Isinasalaysay ng Iliada ang hinggil sa "galit ni Achilles" -
si Achilles ang pangunahing bayani sa kuwento[1] - magpahanggang sa
kamatayan at paglibing kay Hector, at sa paglusob sa Troya. Kabilang sa mga
mahahalagang tauhan ng Iliada sina
Achilles, Odiseo (ng Odisea), Agamemnon, Menelaus, Priam, Hector, Paris,
at Helen. Makikita rin sa mga tagpuan ng Iliada ang Griyegong
si Diomedes at ang Trohanong si Glaucus (na nagkasundong huwag maglaban
sapagkat magkaibigan ang kanilang mga lolo), si Andromache (asawa ni
Hector), si Astyanax (anak na lalaki ni Hector), ang diyosang si Thetis na
ina ni Achilles, ang diyos na si Zeus, ang diyosang si Aprhodite,
si Aeneas (ng Aeneis ni Vergilius) na anak ni Aprhodite.[1]
Nagsisimula ang tula sa pagpapadala ng isang salot sa mga Griyego ng diyos
na si Apollo, sapagkat binihag ng mga ito ang anak na babae ng isa sa
kaniyang mga pari. Napilitan si Agamemnon na ibalik ang bihag na babae,
subalit inagaw naman nito si Briseis, isang babaeng pag-aari ni Achilles.
Nagalit si Achilles subalit tumangging makipaglaban kay Agamemnon. Subalit,
nang mapatay ni Hector ang kaniyang kaibigang si Patroclus, nakipaglaban si
Achilles at napatay niya sa pagtutuos si Hector. Sa lumaon, lihim na
pumunta kay Achilles ang ama ni Hector na si Priam, upang kuhanin ang
bangkay ng kaniyang paboritong anak na lalaki, para mabigyan ng nararapat
na libing. Pumayag si Achilles. Nagwakas ang tula sa paglilibing kay
Hector. Binubuo ang epikang Iliada ng 24 na mga bahaging tinatawag na mga
"aklat".[1]
Buod ng Iliada[baguhin " baguhin ang batayan]
Si Achilles habang nakikipagdigmaan sa mga taga-Troya, sa may kailugan.
"Ang pagkamuhi ni Achilles ang aking paksa," ang sinasabing pambungad ng
makatang si Homer para sa kaniyang Iliada. May nakatanim na galit kay
Agamemnon ang pangunahing bayaning si Achilles, sapagkat inagaw ni
Agamemnon ang gantimpalang napanalunan ni Achilles, ang babaeng si Briseis.
Bagaman napahiya si Achilles, hindi ito nakipaglaban kay Agamemnon, sa
halip sinarili niya ang pagmamaktol at pagdibdib sa kasawian sa loob ng
kaniyang talabing o kubol. Sinasabing naging mas naging mainam ang pagkatao
ni Achilles dahil sa kaniyang paghihirap na ito.[1]
Nang nararamdaman ni Agamamenon na nagwawagi ang mga Troyano, inalayan niya
ng mga handog si Achilles at nagmakaawa upang makiisa na sa
pakikipagtunggali laban sa mga Troyano. Tumanggi si Achilles. Sa kahabaan
ng aklat, matutunghayan lamang si Achilles na nagmumukmok sa kaniyang
kubol. Nang lumaon, pinahuntulot nitong makipaglaban ang kaniyang matalik
na kaibigan si Patroclus, at pinagamit pa ni Achilles ang sariling baluti.
Napatay si Patroclus ng prinsipe ng Troyang si Hector. Lalong ikinagalit,
at ikinalungkot din, ni Achilles ang pagkakapaslang kay Patroclus, kaya't
napapayag din siyang makipaglaban sa mga Trohano. Nagtagumpay si Achilles
at napatay din niya si Hector. Sinadyang puntahan ng hari ng Troy na si
Haring Priam si Achilles para magmakaawang ibigay ni Achilles ang katawan
ni Hector. Pumayag si Achilles sapagkat, sa pamamagitan ni Priam, naalala
ni Achilles ang sarili niyang ama. Nagwawakas ang Iliada sa pagkakaroon ng
isang pansamantalang pagtigil ng labanan sa pagitan ng mga Griyego at ng
mga Trohano, upang mabigyan ng nararapat na libing ang Trohanong si Hector.
Maaaring malaman ang mga kasunod na pangyayari pagkatapos ng Iliada mula sa
iba pang mga akda, katulad ng Aeneis ni Vergilius, kung saan matatagpuan
ang salaysayan hinggil sa Kabayong Trohano.[1]
Ang Odisea o Ang
Odisea (Griyego: Ὀδύσσεια, Odússeia o Odísia; Ingles: Odyssey) ay isa sa
dalawang pangunahing sinaunang tulang epika ng kabihasnang
Heleniko (sinaunang Gresya) na pinaniniwalaang inakdaan
ni Homer (o Homero). Tinatayang isinulat ang tulang ito noong malapit na
ang pagwawakas ng ika-8 daantaon bago dumating si Kristo, sa may Ionia,
malapit sa tabing-dagat ng kanlurang Turkiya na nasasakupan ng mga
Griyego.[1] May bahagyang pagganap ang tula bilang isang karugtong
ng Iliad ni Homer, at pangunahing nakatuon sa bayaning Griyegong
si Odiseo (Odisio at Odysseus din; o sa anyong Romanong Ulysses) at sa
kaniyang mahabang paglalakbay pauwi sa Ithaca makaraan ang pagbagsak
ng Troy. Hinango ang pangalan ng epikang ito mula sa bayani nitong
si Odiseo.[2]
Inabot ng sampung taon si Odiseo bago muling marating ang Ithaca makatapos
ang sampung-taong Digmaang Trohano.[3] Sa panahong wala si Odiseo,
kinailangang harapin ng kaniyang anak na si Telemachus (o Telemaco) at ng
asawang si Penelopeang isang pangkat ng mga walang-galang na mga
manliligaw, ang mga Proci, na nagpapaligsahan upang makamit ang kamay ni
Penelope at mapakasal sa isa sa kanila, dahil maraming naniniwalang namatay
na si Odiseo. Sa makabagong panahon, nangangahulugang "matagalan o mahabang
paglalakbay o pakikipagsapalaran" ang salitang odyssey.[4] Patuloy pa ring
binabasa sa Griyegong Homeriko ang akdang ito, maging ang pagsasalinwika sa
mga pangkasalukuyang wika sa palibot ng mundo. Kung hindi lamang nakasulat
ito ng patula, sinasabing ito sana ang pinakaunang nobela sa mundo. Dahil
sa masayang wakas ng akdang ito, itinuturing itong isang salaysayin ng
pagmamahalan o may katangiang makaromansa. Malaki ang naging impluwensiya
ng Odisea sa panitikang pandaigdig, katulad ng iba pang mga tula at maging
sa mga dula.[2]
Mga nilalaman
[itago]
1Mga salaysay sa loob ng Odisea
o 1.1Salaysay ukol kay Telemaco
o 1.2Salaysay ukol kay Odiseo
1.2.1Sa lupain ng mga Kumakain-ng-Lotus
1.2.2Sa lupain ng mga may-isang mata
1.2.3Tulong ng diyos ng mga hangin
1.2.4Ang mga Laestrigoniano at si Circe
1.2.5Sa Mundong nasa Ilalim ng Lupa
1.2.6Mga sirena at sina Scylla at Charybdis
1.2.7Sa Pulo ng Araw at ang mga Phaeaciano
o 1.3Pagbabalik ni Odiseo sa Ithaca
1.3.1Salaysay ukol kay Penelope
o 1.4Pagwawakas at pahimakas
2Mga sanggunian
Mga salaysay sa loob ng Odisea[baguhin " baguhin ang batayan]
May tatlong salaysaying patulang nakapaloob sa Odisea: ang kay Odiseo, ang
kay Telemaco (anak na lalaki ni Odiseo), at ang kay Penelope (ang asawa ni
Odiseo): Ang unang nakahabing salaysay ay hinggil sa pakikipagsapalaran ni
Odiseo habang pabalik sa kaniyang kaharian sa Ithaca, pagkalipas ng
Digmaang Trojan, kabilang ang kaniyang mga naging suliranin nang nakabalik
na siya sa Ithaca. Samantala, umiinog rin ang akda sa anak ni Odiseong si
Telemaco (ikalawang salaysay); hinahanap ni Telemaco ang matagal nang
nawawalang amang si Odiseo. Naglalahad din ang epika ng nauukol kay
Penelope (ang ikatlong salaysay), ang asawa at reyna ni Odiseo, na matagal
nang naghihintay sa pagbabalik ng kaniyang asawang si Odiseo. Sa kabuoan,
dalawampung taon ang naging kahabaan ng paghihintay ni Penelope hanggang sa
makabalik na nga si Odiseo. Ganito ang bilang dahil sampung taong nasa
digmaan si Odiseo na nadagdagan pa ng sampung taon sa karagatan habang
naglalakbay pabalik sa Ithaca. Magkakahabi ang tatlong salaysaying ito ng
buhay sa epikang Odisea.[2]
Salaysay ukol kay Telemaco[baguhin " baguhin ang batayan]
Isang buwan pa lamang si Telemaco nang maglayag patungong Troy ang ama
niyang si Odiseo.[5] Nagsisimula ang Odisea noong mga dalawampung taon na
ang edad ni Telemaco, at nakatira sa tahanan ng kaniyang ama, sa piling ng
kaniyang inang si Penelope. Naroroon din ang pangkat ng malaking bilang ng
mga mayayabang na mga kalalakihang nanliligaw kay Penelope. 108 ang bilang
ng mga manunuyong ito, na naniniwalang patay na si Odiseo, kaya't maaari
nang mapakasalan si Penelope kung mapapaibig ng isa man sa kanila.
Nagkatawang tao si Athena (o Atena), sa anyo ng isang datu o pinunong
Taphianong si Mentes, para hikayatin si Telemaco na hanapin si Odiseo.
Nilisan nga ni Telemaco ang Ithaca upang maghanap ng balita hinggil sa
kaniyang amang si Odiseo. Pinangangalagaan siya ng diyosang si Atenas, na
siyang tagapananggalang din ni Odiseo. Dinalaw ni Telemaco ang isang
matandang nagngangalang Nestor, pati sina Menelaus at Helen, na mga
nakabalik nang matiwasay mula sa pakikipaglaban sa Troy. Wala siyang
natanggap na balita ukol sa ama. Pinagbilinan siya ni Atenang magbalik sa
Ithaca.[2]
Salaysay ukol kay Odiseo[baguhin " baguhin ang batayan]
Samantala, nasa isang pulo si Odiseo, sa isang pulong pag-aari ni diyosang
si Calypso. Nanahan si Odiseo sa pulong iyon ng may pito nang mga taon.
Inalok ni Calypso na gagawin niyang isang nilalang na walang-kamatayan o
imortal si Odiseo, subalit mas ibig ni Odiseong magbalik sa Ithaca. Sinugo
ng diyos na si Zeus si Hermes upang pag-utusan palayain ni Calypso si
Odiseo. Gumawa ng isang bangka si Odiseo, sapagkat matagal nang nawasak ang
kaniyang mga barko, malaon na ring namatay ang kaniyang mga kasamahan.
Narating ni Odiseo ang ang lupain ng mga Phaeacian. Natagpuan siya ng
prinsesang si Nausicaa. Sa palasyo ng amang hari ni Nausicaa, nilahad ni
Odiseo ang kaniyang naging mga pakikipagsapalaran. Naririto ang ilan sa mga
ito:[2]
Sa lupain ng mga Kumakain-ng-Lotus[baguhin " baguhin ang batayan]
Narating nina Odiseo at ng mga kasamahan niyang manlalakbay ang lupain ng
mga tinatawag na Kumakain-ng-Lotus. Nang matikman ng mga kasama ni Odiseo
ang halamang lotus, nakalimutan nila ang kanilang mga nakaraan, kaya't ayaw
na nilang lisanin ang pook, para kumakain pa ng mas maraming mga lotus.
Hinila ni Odiseo ang kaniyang mga tauhan paalis sa lugar na iyon.[2]
Sa lupain ng mga may-isang mata[baguhin " baguhin ang batayan]
Si Odiseo habang nilalasing si Polifemo.
Nabihag ng isang nilalang na may iisang matang si Polifemo (o Polyphemus),
isang cyclope (o cyclop), salitang nangangahulgang "may bilog na mata."
Naninirahan si Polifemo sa isang yungib, at kinakain ang mga tauhan ni
Odiseo, dalawang tao bawat isang araw. Nilinlang nina Odiseo si Polifemo.
Nilasing ni Odiseo si Polifemo at pinaso nila ang mata nito kaya't nabulag.
Nang dating tanungin ni Polifemo kung ano ang pangalan ni Odiseo, sinabi ni
Odiseong "Walang-Sinuman" ang tawag sa kaniya. Kaya't nang humingi ng
saklolo si Polifemo sa iba pang mga cyclope, walang tumulong sa kaniya,
sapagkat ang pangungusap na "Sinasaktan ako ni Walang-Sinuman," ang
sinasambit niya sa paghingi ng mga nagtataka lamang na mga kauring
nilalang. Nakaalis sina Odiseo sa pamamagitan ng isa pang panlalansi kay
Polifemo. May mga alagang tupa si Polifemo. Pinagtali-tali nina Odiseo ang
bawat tatlong tupa, nakatali sa ilalim ng panggitnang tupa ang isang kasama
ni Odiseo, na hindi masasalat ng bulag na si Polifemo kapag hihimasin ang
dumaraang mga tupa. Bagaman iisang tupa na lamang ang natira para kay
Odiseo, isang lalaking tupa at siyang paborito ni Polifemo. Hindi rin
napuna ni Polifemo si Odiseong nasa ilalim ng paboritong tupa ni Polifemo.
Bagaman nakatakas sina Odiseo mula sa mga kamay ni Polifemo, naparusahan
din pagdaka si Odiseo, sapagkat anak si Polifemo ng diyos na
si Poseidon.[2]
Tulong ng diyos ng mga hangin[baguhin " baguhin ang batayan]
Nakatagpo nina Odiseo si Aeolus, ang diyos ng mga hangin. Binigyan si
Odiseo ni Aeolus ng isang buslong naglalaman ng mga hanging magagamit sana
sa paglalayag, ngunit nagduda ang mga tauhan ni Odiseo hinggil sa laman ng
buslo. Inisip nilang kayamanan ng laman ng buso at nililinlang lamang sila.
Kaya't binuksan nila ang buslo. Nakawala ang mga hangin. Naantala lamang
muli ang kanilang paglalakbay. Tumanggi si Aeolus na tulungan silang
muli.[2]
Ang mga Laestrigoniano at si Circe[baguhin " baguhin ang batayan]
Winasak ng mga Laestrigoniano (mga Laestrygonian, mga kumakain ng laman ng
tao) ang lahat ng sasakyang-pandagat nina Odiseo. Pinaslang din ng mga ito
ang mga tauhan ni Odiseong lulan ng mga barkong nasira. Hindi nila pinatay
si Odiseo. Dumulog si Odiseo kay Circe, isang babaeng mangkukulam na
ginawang mga baboy ang mga tauhan ni Odiseo. Binigyan ng diyos si Hermes si
Odiseo ng isang halamang molyo (o moly), isang yerbang nakatulong kay
Odiseo para labanan ang salamangka ng mangkukulam. Napapayag ni Odiseong
palayin ni Circe ang kaniyang mga tauhan, subalit kinailangan niyang
pumiling kay Circe nang may isang taon.[2]
Sa Mundong nasa Ilalim ng Lupa[baguhin " baguhin ang batayan]
Tumungo si Odiseo sa Mundong nasa Ilalim ng Lupa upang humingi ng tulong
kay Tiresias, isang multong may kakayahang maglakbay-diwa, kung paano ang
pagbalik sa Ithaca. Nakahalubilo rin ni Odiseo ang iba pang mga kaluluwa ng
mga naging bantog na mga tao, pati ang kaniyang inang namatay sa
kalungkutan noong wala si Odiseo sa Ithaca, habang naghihintay sa
pagbabalik ng bayaning hari.[2]
Mga sirena at sina Scylla at Charybdis[baguhin " baguhin ang batayan]
Si Odiseo at ang mga sirena.
Nakatagpo rin nina Odiseo ang mga sirena, mga kabighabighaning babaeng may
nakakabatubalaning awitin. Handang makipagpatayan ang mga tauhan ni Odiseo
para lamang makalapit sa mga sirena, kaya't pinahiran ni Odiseo
ng pagkit ang mga tainga ng kaniyang mga kasamahan. Samantala, nagpatali
naman si Odiseo sa isang haligi, kaya't kahit na marinig niya ang awit ng
mga sirena, hindi siya lulundag sa tubig para marating ang mga babaeng
iyon. Nakasagupa rin nina Odiseo ang halimaw-dagat na si Scylla, na kahawig
ng isang pugita. Nahuli ni Scylla ang anim sa mga tauhan ni Odiseo.
Kinailangan ding matakasan nina Odiseo ang isang uli-uli, isang ipu-ipong-
tubig o tubig na umaalimpuyo, na may pangalang Charybdis; nakaraan naman
sila't nakalagpas sa buhawing-tubig na ito.[2]
Sa Pulo ng Araw at ang mga Phaeaciano[baguhin " baguhin ang batayan]
Narating nina Odiseo ang Pulo ng Araw. Nang lisanin niya ang pook na iyon,
may isang unos sumira sa kaniyang nag-iisa nang barko, at namatay ang mga
natitira niyang mga tauhan. Isang kaparusahan kay Odiseo at sa kaniyang mga
kasama, sapagkat pumaslang sila ng ilang mga banal na baka. Naging mainam
naman ang pagtanggap kay Odiseo ng mga mamamayan ng Phaeacia nang marating
niya ang lupain ng mga ito. Tinulungan si Odiseo ng mga Phaeaciano para
makabalik na sa Ithaca, sa pamamagitan ng pagpapagamit ng isa sa kanilang
mga barko. Sa lumaon, naging bato ang barko, bilang isang paghihiganti ni
Poseidon kay Odiseo. Nakaligtas naman si Odiseo.[2]
Pagbabalik ni Odiseo sa Ithaca[baguhin " baguhin ang batayan]
Sa pagdaong ni Odiseo sa Ithaca, tinulunga siya ng diyosang Atena upang
makapagpanggap bilang isang pulubi. Narating ni Odiseo ang dampa ng nag-
aalaga ng baboy na si Eumaeus, ang isa sa mga nalalabing kakampi ni Odiseo.
Dito rin sa pamamahay ng magbababoy nakasalamuha ni Odiseo ang anak na
lalaking si Telemaco. Magkatulong nilang pinaghandaan ang pagpaslang sa mga
manliligaw ni Penelope. Sa paglitaw ni Odiseo sa kaniyang sariling tahanan,
tanging ang kaniyang asong si Argus at ang isang taong
nagngangalang Eurycleia ang nakamukha kay Odiseo. Sa katuwaan sa
pagkakakilala kay Odiseo, bumagsak nang walang buhay ang asong si Argus,
dahil ito sa labis na katuwaan nang makita ang among si Odiseo. Nakilala
naman ni Eurycleia si Odiseo nang hugasan nito ang kaniyang paa,
nagpapanggap pa noon si Odiseo bilang isang pulubi. Natiyak ni Eurycleia,
dating tagapag-alaga ng sanggol pang si Odiseo, ang katauhan ni Odiseo sa
pamamagitan ng balat sa paa nang binubuhasan nito ng tubig ang paa ni
Odiseong nagkukuwaring pulubi.[2][6]
Salaysay ukol kay Penelope[baguhin " baguhin ang batayan]
Ang pakikipagsagupaan ni Odiseo sa mga manliligaw ni Penelope.
Ipinahayag ni Penelope na pakakasalan niya ang sinuman sa kaniyang
manliligaw na makagagamit ng sandatang pana ni Odiseo, ngunit walang
nagtagumpay sa mga ito. Habang nagpapanggap pa rin bilang isang pulubi,
sinabi ni Odiseong ibig niyang sumubok na gamitin ang naturang pana.
Pagkaraang magtagumpay, pinagpapaslang ni Odiseo sa pamamagitan ng pana at
mga palaso ang mga manliligaw ni Penelope. Tinulungan siya ng anak na si
Telemaco, at ng isa pang may malasakit na tauhan, sa pakikipaglabang ito.
Ibinunyag ni Odiseo kay Penelope kung sino siyang talaga, subalit hindi ito
maniwala. Napatunayan ni Odiseong siya ang nawawala nitong asawa, sa
pamamagitan ng pagpapaalala at paglalarawan ng ginawa ni Odiseo sa kanilang
higaang mag-asawa, isang kamang may isang haliging nagmula sa isang
tumutubong puno. Isa itong lihim na tanging sin Odiseo at Penelope lamang
ang nakakaalam.[2][6]
Noong wala pa si Odiseo, nakapangako na rin si Penelope sa mga dating
nabubuhay pang mga manliligaw niya na makikipag-isang dibdib siya sa isa sa
mga ito kapag natapos na ni Penelope ang kaniyang gawain sa pananahi.
Subalit palagian niyang nalilinlang ang kaniyang mga manliligaw sa
pamamagitan ng pagtatastas na muli ng mga natatapos niyang tahiin tuwing
gabi. Pagsapit muli ng umaga, maipapakita niyang hindi pa tapos ang
kaniyang mga tinatahi, kaya't hindi pa siya makakapili ng mapapakasalan
mula sa mga makukulit na mga manliligaw.[2][6]
Pagwawakas at pahimakas[baguhin " baguhin ang batayan]
Kapagdaka, noong sumapit ang kinabukasan, nagsidating ang mga mag-anak ng
mga manunuyong napaslang ni Odiseo upang makapaghiganti, sapagkat dalawang
salinlahi ng mga kalalakihan ng Ithaca ang nawalan ng buhay dahil kay
Odiseo. Subalit napigil sila ng diyosang si Atena. Pagkaraan nito, sa utos
ng diyos na si Zeus,muling nagkaroon ng kapayapaan sa Ithaca. Dito
nagtatapos ang Odisea.[2][6]